Ako po si Yoli 45yrs. old, beneficiary po ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps). Nasasaktan lang po ako sa mga sinasabi ng iba tungkol sakin at sa pamilya ko. Halos lahat po kasi ng nandito sa amin ay galit na galit po sa pamilya ko. Alam ko naman po kung saan nanggagaling yung mga galit nila dahil sa mga pinaggagawa ng gobyerno natin. Pero kailangan ko po kasi ng tulong sa financial. Ang trabaho ko lang po ay magtinda ng street food araw-araw pero hindi po siya enough para sa isang single mom na nagpapa-aral ng tatlong anak. Hirap po akong buhayin ang mga anak ko lalo na po na nagtaas pa ang mga bilihin dahil sa gera sa ibang bansa. Di ko alam kung saan kukuha pa ng ibang pagkakakitan.
Di ko po matanggap na ginagawa ko naman yung makakaya ko para maitaguyod at mapaaral ang mga anak ko. Pero ako pa rin ang nagiging masama. Oo kasalanan ko na mahirap lang kami, kasalanan ko dahil mas pinili ko ang mag trabaho na lang agad kaysa tapusin ang pag-aaral ko noon. Kasalanan ko! Kaya ko naman kung ako lang ang sinasabihan nila ng hindi magandang salita, pero dinadamay din nila ang mga anak ko. Wala naman silang masamang ginagawa at nag-aaral naman sila ng mabuti, pero dinadamay nila. Ang sakit makita na ang mga anak mo ay lalapit sa’yo na umiiyak dahil sinabihan sila ng mga kapitbahay ko ng “Mahiya naman kayo! Pati kayo pinag-aaral namin!”. Di ko alam kung anong isasagot ko sa mga anak ko pag nagtatanong sila habang umiiyak ng “mama, bakit sila galit sa amin?”, “mama, ayaw nila akong makipaglaro sa mga kaibigan ko”. Di ko naman pwedeng sabihin, galit sila kasi mahirap lang tayo na umaasa sa gobyerno.
Gusto ko lang po sabihin na hindi naman po ganun kalakihan ang naibibigay samin. Opo galing sa inyo ang binibigay samin, pero ginagamit ko naman po ito sa tama at para sa pamilya ko. Grateful po ako doon. May mga tao na inaabuso ang mga ganito pero hindi naman po lahat ay ganun. May mga pamilya din na gustong umahon. Kung magagalit man po kayo sa gobyerno ay sa kanila lang po, wag samin, nag susumikap din naman kami para mabuhay sadyang iba-iba lang tayo ng antas ng buhay.