Akala niya wala siya sa listahan—kaya nagalit siya sa Top 1.

Hindi niya alam… siya pala yun.

Sa 2026 Physicians Licensure Exam, pansamantalang hindi agad inilabas ng PRC ang pagkakakilanlan ng topnotcher dahil sa napakalaking agwat ng kaniyang marka kumpara sa pumangalawa, kaya kinailangan muna itong i-verify kung may anumang iregularidad. Kalaunan, kinilala siya bilang si Dr. Erwin Ken Parchaso mula sa Lyceum Northwestern University.

Sa hindi inaasahang pangyayari, inakala ni Parchaso na bumagsak siya dahil wala ang pangalan niya sa listahan ng mga pumasa—at nagalit pa siya sa hindi kilalang Top 1, hindi niya alam na siya pala iyon.

Hindi naging madali ang kaniyang paglalakbay. Bumagsak siya sa unang take dahil sa personal na pagsubok, nawalan ng kumpiyansa at umatras sa pangalawa, at muntik nang sumuko sa pangatlo. Ngunit sa kabila ng lahat, siya pa rin ang nanguna sa exam. Iniuugnay niya ang tagumpay na ito sa kanyang tiyaga at sa walang sawang suporta ng kanyang asawa na nanatili sa kanyang tabi sa loob ng halos isang dekadang laban.

“Ayun umiyak ako, ‘di ko alam gagawin ko,” saad niya. “Minura ko yung top 1 [na wala pa noong pangalan] kasi baka mataas ang score niya kaya tuloy nawala ako sa curve, natanggal ako kumbaga,”

Noong Sabado niya lang nalaman ang katotohanan—na siya pala mismo ang kinainisan niyang “nameless” Top 1, matapos itong ipaalam sa kanya ng isang school official.

“I was shocked, happy, confused. Rollercoaster talaga,” sabi ni Parchaso nang malaman na niya ang balita.

Ayon sa ulat, wala pang opisyal na paliwanag ang PRC kung bakit hindi agad inilabas ang pangalan ni Parchaso. Gayunman, ipinaliwanag ni Dr. Hector Santos, presidente ng Philippine Medical Association, na naging maingat lamang ang ahensya dahil sa napakataas na agwat ng kanyang marka kumpara sa iba.

Dagdag pa rito, hindi rin ito ang unang pagkakataon na pansamantalang ipinagpaliban ng PRC ang pag-anunsyo ng pangalan ng topnotcher upang masiguro ang integridad ng resulta.